Pinalalakas ng Department of Health (DOH) CALABARZON ang mga programa at kampanya laban sa tigdas bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na maprotektahan ang kalusugan ng mga kabataan sa rehiyon.
Kaugnay nito, naghahanda ang ahensya para sa malawakang pagpapatupad ng Ligtas Tigdas: Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity, na naglalayong mabakunahan ang mga batang may edad anim hanggang limampu’t siyam na buwan laban sa tigdas at tigdas-hangin.
Nagtipon-tipon ang iba’t ibang sektor, kabilang ang mga lokal na pamahalaan, health workers, at iba pang katuwang na ahensya, upang pagtibayin ang koordinasyon at matiyak ang maayos at matagumpay na implementasyon ng programa.
Ayon sa DOH CALABARZON, ang hakbang na ito ay bahagi lamang ng mas pinaigting na sama-samang pagkilos upang makamit ang isang rehiyong ligtas mula sa tigdas at iba pang sakit na maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna.
Hinihikayat din ng ahensya ang mga magulang at tagapag-alaga na makiisa at tiyaking mabakunahan ang kanilang mga anak bilang proteksyon laban sa mga nakahahawang sakit.
Source: Batangas News