Umabot sa humigit-kumulang Php 17milyong halaga ng mga proyektong pangisdaan at livelihood interventions ang ipinamahagi sa mga samahan ng mangingisda at sa pamahalaang panlalawigan ng Albay sa pagbisita ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Pantao Port noong Marso 12.

Kabilang sa mga ipinagkaloob ang tilapia at hito fingerlings para sa mga mangingisda mula sa Pioduran, Libon, at Ligao upang mapalakas ang aquaculture production at kanilang kabuhayan. Naglaan din ng ₱10 milyong pondo para sa pagtatatag ng Albay Provincial Freshwater Fish Hatchery na layong matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng dekalidad na fingerlings sa lalawigan.
Dalawang Lambaklad Project na nagkakahalaga ng tig-₱3.7 milyon ang ipinagkaloob sa Maramba Fisherfolk Association sa Oas at Tambo Fisherfolk Association sa Libon bilang karagdagang pagkakakitaan ng mga mangingisda.

Ayon kay Laurel, patunay ang mga proyektong ito ng pagtutulungan ng pambansang pamahalaan, lokal na pamahalaan, at komunidad upang mapaunlad ang sektor ng pangisdaan at matiyak ang sapat at abot-kayang suplay ng isda sa rehiyon.
Bumisita rin ang kalihim sa Libon Multi-species Marine Hatchery at pormal na iginawad ang isang backhoe excavator sa BFAR Bicol bilang suporta sa pagpapaunlad ng mga pasilidad at proyektong pangisdaan sa rehiyon.
Source: PIA Bicol