Abenepisyuhan ang mga residente ng Barangay 3, Mercedes sa isinagawang feeding program at gift-giving activity ng Philippine Coast Guard Camarines Norte.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng Intensified Community Assistance, Awareness, Response and Enforcement (iCARE) Program, kung saan layon ng Coast Guard na magsagawa ng makatao at makabuluhang inisyatibo upang higit pang mapalapit sa komunidad at maihatid ang serbisyong may malasakit at integridad.
Ayon sa Coast Guard, ang naturang gawain ay patunay ng kanilang dedikasyon sa pagbibigay-serbisyo hindi lamang sa larangan ng maritime safety at law enforcement, kundi pati na rin sa gawaing pangkomunidad na naglalayong palakasin ang ugnayan sa pagitan ng CGS Cam Norte at ng kanilang mga mamamayan.
Sa nasabing aktibidad, namahagi ang mga tauhan ng CGS Cam Norte ng mga pre-loved na damit para sa kababaihan, kalalakihan, at kabataan, kasabay ng feeding program para sa mga residente ng Barangay 3.
Ang programang ito ay repleksyon ng paninindigan ng Coast Guard na maging katuwang ng komunidad sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan at sa pagpapaigting ng malasakit sa kapwa.
Source: PIA Camarines Norte