KALAYAAN, Laguna — Ikinatuwa ng mga lokal na opisyal ng Laguna ang pribatisasyon ng Caliraya-Botocan-Kalayaan Hydroelectric Power Plants (CBK HEPP), na nagdulot ng mas maaasahang suplay ng kuryente, dagdag na kita ng lokal na pamahalaan, at mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga residente.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ceremonial turnover ng CBK HEPP noong Pebrero 9, na ayon sa kanya ay patunay ng matibay na tiwala ng mga mamumuhunan sa sektor ng enerhiya ng bansa. Ayon kay Kalayaan Mayor Sandy Laganapan, nakapaghatid ang proyekto ng abot-kaya at tuloy-tuloy na kuryente na nakatulong sa pag-angat ng antas ng kanilang bayan bilang ikatlong klaseng munisipalidad.

Binigyang-diin naman ni Lumban Mayor Belen Raga ang mga oportunidad sa trabaho at mga programang pangkomunidad ng pasilidad, kabilang ang medical missions at scholarship assistance.

Samantala, tiniyak ni Department of Energy Secretary Sharon Garin na hindi magreresulta sa pagtaas ng singil sa kuryente ang pribatisasyon, habang patuloy na nagsisilbing mahalagang bahagi ng Luzon power grid ang CBK HEPP.
Source:PIA-CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *