Muling nanawagan ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero kay negosyanteng si Charlie Tiu Hay Ang o Atong Ang na sumuko at harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya, habang nagpapatuloy ang pinaigting na manhunt ng mga awtoridad.
Ito ay kasunod ng pagtanggi ng pamahalaan ng Cambodia na naroon ang puganteng negosyante. Ayon sa Cambodian Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation, walang rekord ng pagpasok o paglabas ni Ang sa alinmang border checkpoint ng kanilang bansa.
“Harapin mo kami,” panawagan ng mga pamilya, na patuloy na naghahangad ng hustisya at linaw sa sinapit ng kanilang mga kaanak.
Samantala, sinabi ng mga awtoridad na nagpapatuloy ang lokal at internasyonal na pagtutulungan upang matunton at maaresto si Ang.