Personal na pinangunahan ni DSWD Bicol Regional Director Norman Laurio ang monitoring ng sitwasyon sa bayan ng Polangui ngayong umaga, ika-23 ng Hulyo, upang malaman ang kalagayan ng mga apektadong residente at matukoy ang kanilang mga pangangailangan sa harap ng nararanasang walang tigil na pag-ulan at pagbaha dulot ng mga binabantayang Low Pressure Area na mas pinalalakas pa ng habagat.

Kabilang sa mga binisita ni RD Laurio ay ang mga residenteng lumikas at pansamantalang nanatili sa evacuation center. Minabuti niya ring personal na mapuntahan ang mga naapektuhan ng landslide at sinuri ang kalagayan ng mga magsasaka at ng kanilang kabuhayan sa nasabing lugar.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang mga kinatawan ng ahensya sa lokal na gobyerno upang masiguro ang kaligtasan at makapaghatid ng agarang tulong sa mga nasabing indibidwal. Nakatakda na ring magsimula ang distribusyon ng mga relief items na nauna nang nai-preposition sa mga warehouse ng ahensya sa probinsya ng Albay bilang paghahanda.

Ang bayan ng Polangui ang nagsisilbing catch basin ng lahat ng ilog sa Albay at kadalasang nakarararanas ng pagbaha dulot ng malakas na pagbuhos ng ulan. Nananatiling nakaantabay sa lugar ang DSWD Bicol sa pangunguna ni RD Laurio upang subaybayan ang sitwasyon.

Source: DSWD Regional Office V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *