Nakaligtas sa pananambang ang isang dating kapitan ng barangay habang patungo sa kanyang tirahan sa Barangay Anislag, Daraga, Albay nito lamang Miyerkules ng gabi, Marso 27, 2024.

Ang biktima ay kinilalang si Alwin M. Nimo, 48 anyos at dating kapitan ng Anislag, Daraga.

Base sa police report, galing umano ang dating kapitan sa Legazpi City upang maghapunan kasama ang kanyang mga kaibigan, pauwi na sana siya sa Anislag.

sakay ng Chevrolet Suburban na may plate number ZWK 111 kasama ang kanyang driver at Bodyguard nang sila ay pinagbabaril sa junction road sa Barangay Mariawa ng apat na di pa nakikilalang suspek.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ma. Luiza Calubaquib, Spokesperson ng Police Regional Office-5, dakong 11:15 ng makatanggap sila ng report sa nangyaring insidente ng pananambang kung saan wala namang nasugatan sa mga biktima ngunit ang bullet-proof Chevrolet Suburban Sport Utility Vehicle ay nagtamo ng 20 tama ng bala mula sa hindi kilalang kalibre.

“Wala po ako kalaban dito. Isa lang naiisip ko; ‘yon may case po. “That’s why I need to follow up with the Office of the Ombudsman kasi parang ‘di gumagalaw,” sambit ng dating kapitan.

Ang tinutukoy niyang kaso ay ang kasong administratibo at kriminal na isinampa niya sa Office of the Ombudsman laban kay Albay Gov. Edcel Greco Lagman, na inakusahan niyang tumanggap ng Php8.16 milyon na payola (payoff) mula sa operasyon ng jueteng noong siya pa ang bise gobernador.

Samantala, nakipag-ugnayan naman ang mga tauhan ng Daraga Police sa Legazpi, para sa turnover ng kaso at karagdagang imbestigasyon at nagsasagawa na ngayon ng follow-up investigation ang mga tauhan ng Legazpi PNP kaugnay ng insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *