Aabot sa Php295 milyong halaga ng iba’t ibang livelihood program ang ipapaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) sa 15,000 na pamilya sa anim na probinsya sa rehiyon ng Bicol ngayong taon.
Ayon sa DSWD Bicol, bawat asosasyon na may bilang na 30 miyembro ay maaaring makatanggap ng Php950,000 na financial grant sa ilalim ng SLP, habang ang bawat indibidwal ay makakakuha ng Php15,000, na maaari nilang gamitin bilang kapital para sa kanilang mga iminungkahing mga negosyo.
Samantala, binuksan noong Martes ng DSWD-Bicol ang Likhang Hiraya, tatlong araw na exhibit na nilahukan ng mga benepisyaryo ng SLP sa Pacific Mall Gaisano ng nasabing lungsod na naglalayong ipakilala ang mga produkto sa mas malawak na merkado.
Kasama sa mga produktong ipinapakita ang mga hand-crafted na bag, bentilador, sumbrero, tradisyunal na kasuotan, mga local delicacies, pananim at iba pa.
Adhikain ng pamahalaan na maglunsad ng mga programa na magbibigay pangkabuhayan na nakatuon sa pagpapaunlad ng kanilang kakayahan. Layunin nito ang paglikha ng mas maraming oportunidad at trabaho para sa mga Pilipino, na siyang susi sa isang mas maunlad na ekonomiya ng ating bansa.