Nananatiling maayos at maluwag ang daloy ng mga pasahero sa Calapan Port Terminal Building ngayong Biyernes ng umaga, Oktubre 30, sa kabila ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero kaugnay ng paggunita sa Undas.

Batay sa isinagawang monitoring bago mag-alas-12 ng tanghali, wala pang malaking kumpol ng mga pasaherong naghihintay na bumiyahe patungong Batangas Port. Samantala, opisyal nang ipinatutupad sa pantalan ang Organisadong Sistema ng Pag-aayos at Pagkontrol sa Pila at Oras ng Pagpasok ng mga Pasahero o ORAS System upang maiwasan ang pagsisikip, mapabilis ang proseso ng pagsakay at matiyak ang kaginhawaan ng mga biyahero.

Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), nakahanda na rin ang karagdagang security personnel, medical station at assistance desks katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG) upang magbigay ng seguridad at agarang tulong sa mga pasahero. Inaasahan namang dadami pa ang mga biyahero sa mga susunod na oras at araw habang papalapit ang All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Pinapayuhan ng PPA ang publiko na agahan ang pagpunta sa pantalan at tiyaking nakahanda ang kanilang mga tiket upang maiwasan ang pagkaantala at maging ligtas, mabilis at maayos ang kanilang paglalakbay ngayong Undas.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *