Trabaho, tulong, at iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan ang inilapit sa mga residente ng Tagaytay City sa pamamagitan ng Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat noong Lunes, Setyembre 14.
Pinangunahan nina Labor and Employment Secretary Francis Tolentino at Cavite Eighth District Representative Aniela Tolentino ang aktibidad na naglalayong dalhin nang mas malapit sa publiko ang mga programa, serbisyo, at assistance ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Tampok sa aktibidad ang mga job fair, frontline services, government assistance, at pagbibigay ng impormasyon sa publiko. Isinagawa ito sa pangunguna nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Executive Secretary Ralph Recto bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na matiyak ang mas mabilis at mas madaling access ng mga mamamayan sa serbisyo publiko.

Kasama rin sa programa ang KADIWA ng Pangulo, na nagbigay ng pagkakataon sa mga residente na makabili ng iba’t ibang produkto habang sinusuportahan ang mga lokal na producer, magsasaka, at micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Source: PIA CALABARZON