BATANGAS CITY, Batangas — Umapela ang ilang driver sa lungsod na ibaba ang presyo ng produktong petrolyo kasunod ng panibagong oil price hike na dagdag-pasanin sa kanilang araw-araw na operasyon.
Ayon kay jeepney driver Luisito Marasigan, malaking bahagi ng kanilang kinikita ang napupunta sa pambili ng krudo kaya napipilitan silang bawasan ang kanilang biyahe upang makatipid sa gastos. Aniya, mas lalong nahihirapan ang mga driver na kumita dahil hindi naman kasabay ng pagtaas ng presyo ng krudo ang kita sa bawat biyahe.
Ibinahagi rin ni Benson, isang tricycle driver sa rutang Soro-soro–Ilaya Balagtas, na malaking dagdag-gastos ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, lalo na kapag mahina ang bilang ng mga pasahero.
Umaasa ang mga driver na muling bababa ang presyo ng produktong petrolyo upang kahit paano ay maibsan ang kanilang gastusin at mapanatiling sapat ang kanilang kinikita para sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Source: Batangas News