Nakatanggap ng tig-₱200,000 na tulong pinansiyal ang mga barangay sa Coron, Culion at Busuanga, Palawan sa ilalim ng Socio-Civic Project Fund (SCPF), kasabay ng pamamahagi ng tig-10 kilo ng bigas sa ilalim ng “Bawat Bayan Makikinabang” Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pinangunahan ni Palawan Governor Amy Roa Alvarez, katuwang si Liga ng mga Barangay-Palawan Chapter Federation President Ferdinand Zaballa, ang pamamahagi ng ayuda noong Agosto 11. Personal na tinanggap ng mga punong barangay mula sa tatlong bayan ang nasabing tulong.

Layunin ng SCPF na suportahan ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga proyekto, pagpapabuti ng mga batayang serbisyo at pagpapaunlad ng mga komunidad.
Sa bawat ₱200,000 na matatanggap ng barangay, ₱100,000 ang ilalaan para sa mga proyekto nito, habang ang natitirang ₱100,000 ay gagamitin bilang educational assistance para sa limang iskolar na pipiliin ng barangay.

Tig-₱20,000 ang matatanggap ng bawat iskolar bilang tulong sa kanilang pag-aaral, na inaasahang makatutulong upang maibsan ang gastusin ng mga benepisyaryo at masuportahan ang kanilang pagpapatuloy sa pag-aaral.
Sa pamamagitan ng SCPF, patuloy na naipagkakaloob ang suporta sa mga barangay upang maisulong ang mga proyektong tumutugon sa pangangailangan ng kanilang mga residente at mapalakas ang pag-unlad ng mga lokal na komunidad.
Source: PIA MIMAROPA