CALAPAN CITY, Oriental Mindoro – Nagpatupad ng bawas-pasahe ang dalawang pangunahing shipping lines na bumibiyahe sa rutang Batangas–Calapan simula Hunyo 22, kasunod ng panawagan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro na ibaba ang singil alinsunod sa sunod-sunod na rollback sa presyo ng produktong petrolyo.
Ibinaba ng Starlite Ferries at Montenegro Shipping Lines ang regular na pasahe ng pasahero mula ₱760 sa ₱680. Ayon kay Governor Humerlito “Bonz” Dolor, pormal na hiniling ng lalawigan sa mga shipping companies na ipatupad ang pagbaba ng pamasahe batay sa umiiral na patakaran ng Maritime Industry Authority (MARINA).
“Ramdam natin ang hirap dahil sa biglang pagtaas ng presyo ng pamasahe sa mga barko. Matapos ang sunod-sunod na rollback sa presyo ng petrolyo, hiniling natin sa ilang shipping lines ang muling pagbaba ng presyo ng pamasahe sa barko ayon na rin sa patakaran ng MARINA,” ani Gov. Dolor.
Inihayag din ng gobernador na positibo na ring tumugon ang Fastcat sa panawagan ng pamahalaang panlalawigan at inaasahang mag-aanunsyo rin ito ng sarili nitong fare rollback sa mga susunod na araw.
Ang pagtaas ng pamasahe ay nagsimula noong Marso kasunod ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan. Noong Abril 13, nagpatupad pa ng karagdagang 15 porsiyentong pansamantalang fuel surcharge ang Starlite Ferries dahil sa patuloy na mataas na presyo ng petrolyo.
Bagama’t nabawasan na ang pasahe, nananatili pa rin itong mas mataas kumpara sa presyo bago ang krisis sa langis. Mula sa dating ₱530, nasa ₱680 pa rin ang kasalukuyang regular passenger fare. Gayundin, nananatiling mas mataas ang singil sa mga pribadong sasakyan at cargo trucks kumpara sa kanilang dating rate.
Ang rutang Batangas–Calapan ang pangunahing daanan ng mga pasahero, sasakyan at kargamento sa pagitan ng Luzon at Oriental Mindoro. Mahalaga ito sa libu-libong residente na bumibiyahe papuntang Metro Manila para sa trabaho at sa sektor ng kalakalan at logistics na nagsusuplay ng mga pangunahing produkto sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.
Source: PIA MIMAROPA