Inilunsad ng Social Security System (SSS) South Luzon 2 Division ang SSS eWheels Palengke Caravan sa bayan ng Bauan nitong Biyernes, Hunyo 26, bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng mga serbisyo ng ahensya para sa mga miyembro.

Ayon kay Acting Vice President for South Luzon 2 Division Engr. Edwin Igharas, layunin ng programa na mailapit sa publiko ang mga pangunahing serbisyo ng SSS, kabilang ang pag-update ng membership records at pagsusumite ng iba pang kinakailangang dokumento at impormasyon.

Sa pamamagitan ng eWheels Palengke Caravan, hindi na kinakailangang bumiyahe nang malayo ang mga miyembro upang makapag-avail ng mga serbisyo ng SSS, lalo na ang mga nasa komunidad at mga pamilihang bayan.

Binigyang-diin ni Igharas na bahagi ito ng layunin ng ahensya na maisulong ang mas malawak na social security coverage at matiyak na mas maraming Pilipino ang nabibigyan ng pagkakataong maging miyembro at makinabang sa mga programa at benepisyo ng SSS.

Patuloy namang hinihikayat ng SSS ang publiko na samantalahin ang mga mobile service caravan ng ahensya upang maging mas mabilis, madali, at mas accessible ang kanilang transaksyon.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *