CALAMBA CITY, Laguna – Pinalalakas ng Bureau of Fire Protection (BFP) CALABARZON ang pagpapatupad ng programang “Obligasyon sa Bayan, Ligtas na Pamayanan” sa pamamagitan ng paghikayat sa mga lokal na pamahalaan na magtatag ng mga Community Fire Auxiliary Group (CFAG).
Layunin ng programa na sanayin ang mga boluntaryong residente bilang mga unang reresponde sa sunog at iba pang lokal na emerhensiya bago dumating ang mga propesyonal na bumbero. Kabilang din sa inisyatiba ang pagbuo ng mga community fire protection plan upang mapataas ang kahandaan ng bawat komunidad.
Sa unang anim na buwan ng taon, nakapagsagawa na ang BFP ng 1,954 fire safety seminars at drills sa buong CALABARZON, kabilang sa mga ospital, paaralan, barangay, at iba pang pampubliko at pribadong establisimyento bilang bahagi ng pagpapalakas ng kultura ng kaligtasan at kahandaan sa rehiyon.
Source: PIA CALABARZON