STA. ROSA CITY, Laguna – Bilang bahagi ng pinaigting na pagpapatupad ng mga batas paggawa at pagtataguyod ng ligtas na lugar-paggawa, nagsagawa ang Department of Labor and Employment (DOLE) CALABARZON ng High Impact, High Visibility Inspection (HIHVI) sa construction site ng SM City Nuvali sa Sta. Rosa City, Laguna nitong Martes, Hunyo 16.

Pinangunahan ni DOLE CALABARZON Assistant Regional Director Nicanor Bon ang inspeksyon kasama ang mga labor inspector at kinatawan ng mga katuwang na ahensya upang tiyakin ang pagsunod sa mga itinakdang labor standards at Occupational Safety and Health (OSH) Standards.

Sa isinagawang inspeksyon, sinuri ang pagbibigay ng tamang sahod at benepisyo sa mga manggagawa, pagkakaroon ng sapat na personal protective equipment (PPE), at pagpapatupad ng mga hakbang sa kaligtasan at kahandaan sa oras ng emergency sa lugar-paggawa.

Layunin ng HIHVI na higit pang mapaigting ang pagsunod sa batas, palakasin ang pananagutan ng mga employer, at maiwasan ang mga aksidente sa trabaho, lalo na sa sektor ng konstruksyon na kabilang sa mga industriyang may mataas na antas ng panganib.

Binigyang-diin ng DOLE CALABARZON ang patuloy nitong pangako na pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa at tiyakin ang pagkakaroon ng ligtas, malusog, at produktibong kapaligiran sa paggawa sa buong rehiyon.

Source PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *