CALAMBA CITY, Laguna (PIA) — Nasa 100 dating child laborers mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Laguna ang nabigyan ng mga regalo at iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa pagdiriwang ng World Day Against Child Labor 2026 na isinagawa sa Laguna Provincial Capitol Extension sa Calamba City noong Hunyo 12.

Pinangunahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region IV-A ang aktibidad katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan na kabilang sa Regional Council Against Child Labor at mga pribadong kumpanya upang higit pang palakasin ang kampanya laban sa child labor at itaguyod ang kapakanan ng mga bata.

Bilang bahagi ng programa, nagkaloob din ang DOLE ng mga livelihood package sa ilang lokal na pamahalaan para sa mga samahan ng pamilya ng mga dating child laborers bilang suporta sa kanilang kabuhayan at upang maiwasan ang pagbabalik ng mga bata sa pagtatrabaho.

Nakapag-avail din ang mga kalahok ng iba’t ibang libreng serbisyo tulad ng skills demonstration training, manicure, haircut, photo booth, at mga palaro.

Sumailalim din sa oryentasyon ang mga dating child laborers at kanilang mga magulang hinggil sa Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP) ng DOLE, kung saan tinalakay ang mga programa at interbensyon ng pamahalaan para sa proteksyon at kapakanan ng mga batang nasa panganib ng child labor.

Nagbahagi rin ng kanyang tagumpay ang isang dating child laborer na naging benepisyaryo ng Project Angel Tree ng DOLE at ng Laguna Industrial Peace Council Inc. (LIPCI). Ikinuwento niya kung paano nakatulong ang mga interbensyon ng mga programa upang mabigyan siya ng mas magandang oportunidad para sa kanyang pag-aaral at kinabukasan.

Ayon sa DOLE, patuloy nitong paiigtingin ang mga programa at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor upang matulungan ang mga batang nakaranas ng child labor at kanilang mga pamilya. Bahagi ito ng layunin ng pamahalaan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na mapabuti ang buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng gobyerno at pribadong sektor.

Hinimok din ng ahensya ang mga magulang at kabataan na huwag mag-atubiling lumapit sa pamahalaan upang makuha ang mga tulong, serbisyo, at benepisyong inilaan para sa kanilang kapakanan.

Naging tampok sa programa ang pagtataas ng “Red Card to Child Labor,” na sumisimbolo sa pagkakaisa ng lahat ng sektor upang wakasan ang child labor at matiyak na ang bawat bata ay may pagkakataong makapag-aral, umunlad, at maabot ang kanilang mga pangarap.

Source: PIA Laguna

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *