BOAC, Marinduque — Pinaigting ng Department of Health (DOH) ang paghahanda para sa nationwide Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR-SIA) matapos tumaas ang bilang ng suspected measles at confirmed rubella cases sa lalawigan ng Marinduque ngayong 2025.
Batay sa datos ng Provincial Health Office, nakapagtala ang lalawigan ng 14 na suspected measles cases at isang confirmed case ngayong taon, mula sa zero cases noong 2021. Tumaas din ang rubella cases mula zero noong 2021 tungo sa tatlong confirmed cases ngayong 2025.
Bilang tugon, magsasagawa ang DOH ng high-quality MR-SIA campaign sa 2026 para mapalakas ang proteksyon ng mga batang edad anim hanggang 59 buwan laban sa measles at rubella. Isasabay rin dito ang Vitamin A supplementation.
Nagsagawa rin ang DOH-MIMAROPA ng orientation at microplanning activity noong Mayo 13 at 14 sa Boac upang ihanda ang mga lokal na health worker at matiyak ang maayos na pagpapatupad ng immunization campaign.
Hinimok naman ng DOH ang mga magulang na suportahan ang vaccination drive upang maprotektahan ang kalusugan ng mga bata laban sa mga sakit na maiiwasan sa pamamagitan ng bakuna.
Source: PIA MIMAROPA