Hinikayat ng Department of Health (DOH) Bicol ang publiko na magpatibay ng mas malusog na pamumuhay upang mabawasan ang panganib ng kanser. Sa isinagawang press conference sa Albay bilang bahagi ng paggunita sa National Cancer Awareness Month, sinabi ni DOH Bicol Regional Director Rosa Maria Rempillo na mas paiigtingin ng ahensya ang kampanya nito sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa prevention at maagang pagtuklas ng sakit.
Ayon kay Julie Anne Granadino, Regional Program Manager ng Cancer Control Program, malaki ang maitutulong ng pagbabago sa pamumuhay tulad ng pagkakaroon ng balanseng pagkain, regular na ehersisyo, pag-iwas sa paninigarilyo, at paglilimita sa pag-inom ng alak upang mapababa ang panganib ng kanser. Ipinaliwanag niya na ang kakulangan sa pisikal na aktibidad at sobrang taba sa katawan ay maaaring magpataas ng posibilidad na magkaroon ng ilang uri ng kanser, kabilang ang breast cancer dahil ang fat cells ay maaaring maglabas ng estrogen na nagpapataas ng risk nito.
Binigyang-diin din ng DOH-Bicol na may libreng cancer screening services sa mga Rural Health Unit at DOH hospitals upang maisulong ang maagang pagtuklas at agarang gamutan. Noong 2023, nakapagtala ang rehiyon ng 3,174 na pagkamatay na may kaugnayan sa kanser, dahilan upang higit pang palakasin ang mga hakbang sa pag-iwas at hikayatin ang aktibong pakikilahok ng komunidad sa pagpapanatili ng malusog na pamumuhay.
Source: PIA BICOL