Ipinagdiwang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Rehiyon ng Bicol ang lakas ng pamilya at komunidad sa pamamagitan ng isang educational tour sa Sorsogon at sunod-sunod na mga socio-activities bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Family Week ngayong taon na may temang “Polisiyang makapamilya tungo sa higit na matatag, maginhawa, at panatag na pamilya sa Bagong Pilipinas,”, na isinagawa sa Haven for Women and Girls (HFWG) at Reception and Study Center for Children (RSCC) sa Barcelona, Sorsogon nito lamang Setyembre 21, 2025.

Binigyang-diin ng pagdiriwang ang hangarin ng pamahalaan na bigyang-kapangyarihan ang mga kababaihan, batang babae, at mga bata sa pamamagitan ng pagkakaisa, kasiyahan, at pakikipagkapwa sa mga ligtas at mapagkalingang espasyo.

Bumisita ang mga residente ng HFWG sa mga makasaysayang destinasyon sa Sorsogon kung saan natutunan nila ang kasaysayan ng lalawigan sa Museo de Sorsogon, at namangha sa tanawin ng Sorsogon Sports Complex, Barcelona Heritage, at Bulusan Nature Park.

Layunin ng aktibidad na palalimin hindi lamang ang kaalaman ng mga kalahok sa kultura at kasaysayan ng Sorsogon kundi pati na rin ang pagbibigay ng makabuluhang sandali ng pag-uugnayan sa pagitan ng mga residente at kawani.

Higit pa sa mga tanawin at karanasang kultural, naging daan din ang araw na iyon sa psychosocial healing — isang pagkakataon para sa mga kababaihan at batang babae na makaranas ng saya at koneksyon sa labas ng institusyon.

Pinangungunahan ni Regional Director Norman S. Laurio, ang aktibidad na ito na siyang nagpapatunay sa patuloy na layunin ng DSWD na protektahan, bigyang-lakas, at alagaan ang kababaihan at kabataan, at itaguyod ang adbokasiya ng ahensya na pagtibayin ang bawat pamilyang Bicolano.

Sa pagdiriwang ng National Family Week, malinaw ang mensahe ng Haven for Women and Girls at ng Reception and Study Center for Children: ang pagbuo ng isang mas maayos at mas matatag na bansa ay nagsisimula sa pagbibigay ng pagkakataon sa bawat pamilya, anuman ang anyo, na maghilom, umunlad, at makahanap ng tunay na lugar sa lipunan.

Source: DSWD Field Office V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *