Bilang bahagi ng mandato ng DA-BFAR na paunlarin ang kabuhayan ng mga mangigisda at tiyakin ang sapat na supply ng isda sa bansa, ang BFAR Bicol sa pamamagitan ng Fisheries Production and Support Services Division (FPSSD) ay namahagi ng 62-Footer Bagnet Fishing Boat na may kompletong modernong kagamitan sa pangingisda.

Pormal na ipinagkaloob ito sa Samahan ng Magsasaka at Mangingisda ng Maolingon (SAMAMAO) ng Mandaon noong Agosto 19, 2025 sa Fish Complex sa Probinsya ng Masbate.

Ang 62-footer bagnet fishing boat ay isang malaking bangkang pangisda partikular na idinisenyo para sa handline fishing o pangingisdang gumagamit ng kawil at linya sa malalalim na bahagi ng dagat.

Kumpleto ito sa kagamitan na nagtataguyod ng mas produktibo at mas ligtas na pamamaraan ng pangingisda.

Maliban sa 62-footer na bangka, kasabay ring ipinamahagi ang 3 units ng 22-footer fiberglass reinforced plastic (FRP) na bangka sa tatlong (3) benepisyaryo na mula din sa parehong probinsiya na personal na sinaksihan ni Gobernador Atty. Ricardo T. Kho.

Layunin ng proyektong ito na matulungan at maiangat ang kabuhayan ng mga benepisyaryo at madagdagan ang produksiyon ng isda sa probinsiya.

Ayon kay Benjie Jelotin, Presidente ng SAMAMAO, malaking tulong sa kanilang paghahanapbuhay ang natanggap na livelihood intervention at bilang pasasalamat, siya, kasama ng kaniyang mga kasamahan ay nangakong iingatan at pagyayamanin ang kanilang natanggap.

Malaki din ang naging pasasalamat ni Eddie Boy Sonoron, benepisyaryo ng 22-footer na bangka mula sa bayan ng Pio V. Corpuz, Masbate, sa tulong na kaniyang natanggap lalo’t siya ay isa sa mga mangingisdang nawalan ng bangka dulot ng bagyo noong nakaraang taon.

Aniya, maaari na siyang makapagsimula ng maayos na paghahanapbuhay sa dagat gamit ang bangkang natanggap.

Samantala, si Gobernador Kho naman ay buong pusong ibinigay ang kaniyang supporta para sa sektor ng pangisdaan sa kaniyang probinsya, at kasabay nito ang masusi niyang pakikipag ugnayan sa BFAR para sa karagdagang programa na mas makatutulong sa pag angat ng sektor ng pangisdaan sa Masbate.

Source: BFAR Bikol

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *