Isang makabuluhang pagbisita ang isinagawa ni Governor Eduardo “Ed” Gadiano sa mga kapatid nating katutubo sa bayan ng Abra de Ilog nitong Agosto 8, 2025, bilang pagpapakita ng tunay na malasakit at pagtutok ng pamahalaang panlalawigan sa sektor ng mga katutubo.

Layunin ng gobernador na direktang marinig ang mga hinaing at saloobin ng mga katutubong pamayanan, gayundin ang personal na pag-alam sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Sa kanyang pagdalaw, tiniyak ni Gov. Gadiano na maglalatag ang lalawigan ng mga angkop na programang magpapabuti sa kanilang kabuhayan at pamumuhay.

Kabilang sa mga natalakay ay ang pangangailangan sa serbisyong pangkalusugan, edukasyon, kabuhayan, at imprastruktura—mga isyung pangunahing tinututukan ng kasalukuyang administrasyon upang tiyaking walang Mindorenyo ang maiiwan sa layunin ng inklusibong kaunlaran.

Kasama sa delegasyon ng gobernador ang ilang kinatawan mula sa mga ahensyang panglalawigan upang agarang matugunan ang ilang isyung inilapit ng mga katutubo. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan, dayalogo, at aktwal na presensya, muling pinatibay ni Gov. Gadiano ang kanyang pangako ng pagkalinga at pagkakapantay-pantay para sa lahat.

Ang pagbisita ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng “Serbisyong May Puso, Para sa Lahat”, na layuning dalhin ang serbisyo ng gobyerno sa bawat sulok ng lalawigan—lalo na sa mga lugar na madalas na hindi naaabot ng tulong at atensyon.

Source: Governor Ed Gadiano Occidental Mindoro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *