Nagsagawa ng Civil Society Organization (CSO) Conference sa PGR Multi-Purpose Building, Capaclan, Romblon, Romblon noong Agosto 8, 2025.

Layunin ng aktibidad na paigtingin ang partisipasyon ng mga organisasyong sibiko sa mga proseso ng pamahalaan, at palalimin ang ugnayan ng mga ito sa lokal na pamahalaan.

Ang nasabing pagtitipon ay pinangunahan ni Trina Firmalo-Fabic, Governor at dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang CSO sa buong lalawigan. Kabilang sa mga pangunahing tagapagsalita ang mga opisyal mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagbigay ng presentasyon hinggil sa papel ng mga CSO sa lokal na pamamahala. Nagbahagi rin ng mensahe si Sangguniang Panlalawigan Member Irene Ortiz, na nagpahayag ng suporta sa patuloy na pakikilahok ng mga organisasyon sa mga programa ng pamahalaan.

Isa sa mga tampok ng talakayan ay ang pagtalakay sa DILG Memorandum Circular 2025-060, na naglalaman ng mga alituntunin para sa akreditasyon ng mga CSO at sa proseso ng pagpili ng mga kinatawan ng mga ito sa iba’t ibang local special bodies gaya ng Local Development Council at Local Health Board. Layunin ng circular na higit pang gawing bukas, transparent, at inklusibo ang pamamahala sa mga lokal na antas.

Ipinaliwanag din sa kumperensya ang mga hakbang at dokumentaryong kinakailangan upang makamit ang akreditasyon mula sa Sangguniang Panlalawigan — isang mahalagang proseso upang maging ganap na kinatawan ng kanilang sektor ang mga CSO sa pagbuo at pagpapatupad ng mga lokal na programa at proyekto.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang CSO Conference bilang isang plataporma ng pakikipag-ugnayan, pagpapalitan ng kaalaman, at paghubog ng isang makabuluhang partisipasyon ng mamamayan sa pamahalaan. Inaasahang magsisilbing inspirasyon ito sa mas maraming organisasyon upang aktibong makilahok sa pagtataguyod ng tapat, makatao, at inklusibong pamahalaan sa lalawigan ng Romblon.

Source: Romblon Provincial Information Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *