Mahigit 3,000 mangingisda mula sa iba’t ibang bayan sa Palawan ang nakatanggap ng seaweed seedlings at mga kagamitan para sa seaweed farming mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – MIMAROPA, sa ilalim ng Enhanced Philippine Seaweed Development Program (EPSDP). Ang pamamahagi ay isinagawa noong Hulyo 11, 2025 bilang bahagi ng second quarter rollout ng programa.
Pinangunahan ito ng Fisheries Production and Support Services Division (FPSSD) ng BFAR-MIMAROPA, katuwang ang mga Provincial Fisheries Office, upang suportahan ang seaweed farming bilang alternatibong kabuhayan para sa maliliit na mangingisda.
Sa mainland Palawan, 11 bayan ang nakatanggap ng kumpletong alokasyon ng seaweed seedlings at kagamitan. Kabilang dito ang mga bayan ng Araceli, Dumaran, Roxas, Taytay, San Vicente, Quezon, Sofronio Española, Bataraza, Rizal, at Balabac, gayundin ang Puerto Princesa City.
Samantala, sa mga isla ng lalawigan, 598 mangingisda ang nabigyan ng tulong sa Agutaya, 100 sa Cuyo, at 60 sa Coron.

Layunin ng programa na mapataas ang produksyon ng aquaculture sa Palawan at palakasin ang kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda, lalo na sa mga baybaying komunidad kung saan ang seaweed farming ay pangunahing pinagkakakitaan.
Ayon sa BFAR-MIMAROPA, ang pagtutok sa pagpapaunlad ng seaweed industry ay mahalagang hakbang sa pagsusulong ng food security at sustainable livelihood para sa mga mamamayang umaasa sa yamang-dagat.
Source: Palawan Island Network