Hindi naging hadlang ang dilim ng gabi upang maihatid ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol ang agarang tulong sa mga nasunugan sa Zone 4, Brgy. San Antonio, Iriga City noong Hulyo 11, 2025.
Mabilis na rumesponde ang ahensya upang suportahan ang sampung (10) pamilyang nawalan ng kabuhayan matapos matupok ang kanilang mga business stalls. Sa kasalukuyan, patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.
Bilang tugon, namahagi ang DSWD Bicol ng family food packs sa bawat apektadong pamilya. Ang mga ibinigay na food packs ay layong makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilya habang bumabangon sila mula sa pagkawala ng kanilang hanapbuhay.
Bukod sa emergency relief assistance, ang mga naapektuhan ay ire-refer din sa iba pang programa ng DSWD gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa karagdagang suporta, at sa Sustainable Livelihood Program (SLP) upang matulungan silang muling makapagsimula ng kabuhayan.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DSWD Bicol sa lokal na pamahalaan ng Iriga City upang matiyak ang maayos at tuluy-tuloy na paghahatid ng serbisyo. Ang maagap na tugon na ito ay patunay ng tapat na paglilingkod ng DSWD FO V, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na walang sinumang Pilipino ang dapat maiwan sa oras ng pangangailangan.
Source: DSWD Bicol Region