Opisyal nang binuksan ng Department of Trade and Industry (DTI) Romblon ang taunang MSME Night Bazaar nito lamang Hulyo 7, 2025 sa Odiongan Public Plaza, na may temang “Negosyo Asenso, Angat Kabuhayan: Bagong Pilipinas.”

Pinangunahan ni G. Orville F. Mallorca, Provincial Director ng DTI Romblon, ang pagbubukas ng programa. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang mahalagang kontribusyon ng mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya. Aniya, ang DTI ay bukas upang tulungan ang mga lokal na negosyante sa pagpapalago ng kanilang mga negosyo, at patuloy na sumusuporta sa mga inisyatibo para sa kaunlaran ng sektor ng MSME.

Nagpahayag din ng pasasalamat si G. JC De Guzman, Municipal Tourism Officer at kinatawan ni Mayor Toto Fodra, sa mga lumahok na negosyante. Ayon sa kanya, ang MSMEs ang nagsisilbing puso ng lumalakas na ekonomiya ng bayan ng Odiongan. Pinasalamatan niya ang sipag, tiyaga, at pagkamalikhain ng mga Odionganon na patuloy na nagbibigay kulay sa lokal na merkado.

Ang “MSME Night Bazaar” ay bukas mula Hulyo 7 hanggang Hulyo 11, kung saan tampok ang iba’t ibang lokal na produkto gaya ng mga pagkain, handicrafts, accessories, at iba pang likhang-Odionganon. Layunin nitong ipakita ang galing ng mga lokal na negosyante at hikayatin ang publiko na tangkilikin ang sariling atin.

Sa bawat booth, makikita ang kasipagan at dedikasyon ng mga MSMEs na patuloy na nagsusumikap para sa mas maunlad na buhay—isang patunay na sa tulong ng bayanihan at suporta ng pamahalaan, kayang isulong ang Bagong Pilipinas mula sa lokal na antas.

Source: Odiongan Public Information Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *