Isang babae ang sugatan matapos pagtatagain ng sarili nitong ate sa Purok Lupang Pangako, Barangay Alfonso XIII, Quezon, Palawan, dakong 3:50 ng umaga nitong Hulyo 8, 2025.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Ai Ai,” 30 taong gulang, single, at residente ng nasabing barangay. Ang suspek naman na kanyang nakatatandang kapatid ay si alyas “Jenni,” residente ng Barangay Maasin, Quezon, Palawan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon Municipal Police Station sa pamumuno ni Police Major Lodell Lota, Officer-In-Charge , bago ang pananaga ay nagkaroon umano ng pagtatalo ang magkapatid habang nag-iinuman. Matapos maubos ang iniinom na alak, lumabas ang biktima upang gumamit ng palikuran. Sinundan ito ng suspek na armado ng itak at biglang inatake ang kapatid, dahilan upang magtamo ito ng sugat sa kaliwang tuhod.

Dahil sa ingay ng insidente, nagising ang mga boarders sa lugar na agad umawat sa kaguluhan. Tumakas ang suspek matapos ang pananaga, habang mabilis namang naisugod ang biktima sa Quezon Medicare Hospital para sa agarang lunas.

Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad upang matunton at madakip ang suspek. Nagsasagawa rin ng follow-up investigation upang alamin ang ugat ng matinding pagtatalo ng magkapatid.

Source: Thunder News Philippines

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *