Inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang isang lecture-symposium sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) sa Vicente Rodriguez Memorial Gymnasium sa bayan ng Roxas, Palawan nito lamang Agosto 15, 2024.
Naisakatuparan ang naturang aktibidad sa pakikipagtulungan ng DOH-Center for Health Development, Provincial DOH Office, lokal na pamahalaan ng Roxas sa pangunguna ni Mayor Dennis Sabando, Provincial Gender and Development (GAD) Office, Ugat ng Kalusugan Inc., municipal health office, at rural health office.
Nabenepisyuhan ng symposium ang 130 residente, kabilang ang mga buntis, kababaihan, at kalalakihan mula sa lugar.
Pangunahing layunin ng aktibidad na matutukan ang kalusugan ng mga buntis, mga ina, at kanilang mga anak sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang kaalaman sa pagpaplano ng pamilya at pagbubuntis.
“Isulong at pangalagaan natin ang karapatan sa kalusugan ng mga tao at itanim ang kamalayan sa kalusugan sa kanila. Sa ilalim ng Republic Act 11148, binibigyan ng halaga ang kalusugan at nutrisyon ng mga kababaihan, buntis, at kanilang mga anak,” ayon kay Provincial Health Officer Dr. Faye Labrador.
Nagkaloob din ng libreng serbisyong pangkalusugan sa aktibidad, tulad ng nutrition services para sa mga buntis, Malaria screening, at pamamahagi ng long-lasting insecticidal nets (LLIN), at iba pa.
Kasabay ng aktibidad, rumampa rin ang mga buntis na kalahok sa ‘Healthy Buntis Pageant,’ alinsunod sa programa ng Department of Health (DOH) na tumutok sa maternal at prenatal health care.
Source: PIO Palawan