Pinasinayaan nang Pamahalaang bayan ng Los Baños ang proyekto nitong modern waiting shed na pinangunahan ng kanilang Alkalde na si Anthony “Ton” Genuino sa Lopez Elementary School, Batong Malake, Los Baños, Laguna.

Ang modern waiting shed ay itinayo upang magbigay-ginhawa sa mga naghihintay ng masasakyan gaya ng pagkakaroon ng vendo machine na may mga tindang lokal na produkto, ceiling fan, at LED screen na nagpapahayag ng mga anunsyo at mula sa lokal na pamahalaan.

May CCTV rin at may mga magbabantay na kawani ng barangay at paaralan para masiguro ang kaligtasan at kalinisan ng waiting shed.

Katuwang sina Councilor Jonathan Siytiap, Councilor Leren Bautista, Batong Malake Chairman Ian Kalaw, at mga opisyal at miyembro ng PTA ng Lopez Elementary School sa pagpapasinaya ng nasabing proyekto.

Ayon kay Mayor Genuino, nais niyang magpatupad ng mga bago at de-kalidad na mga programa at inisyatibo para sa mga mamamayan ng Los Baños na kahalintulad sa mga first world countries.

“I want our citizens to experience quality programs and projects na nakikita sa mga first world countries. Kaya naman natin ‘yan eh. Kailangan lang ng gobyernong may will na ipakita sa tao at puso na maiparanas sa mamamayan. We can be at par with the first world countries. Sana ma-appreciate ito ng mamamayan kasi ito ang simula na all our projects ay bago,” ani Genuino.

Mensahe ng alkalde sa mga taga-Los Baños na alagaan at panatilihing malinis ang mga modern waiting shed, na nakatakda ring itayo sa lahat ng mga pampublikong paaralan at mga pangunahing sakayan ng pampublikong transportasyon sa bayan.

Source: Dito sa Laguna

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *