Ibinida ang mga makukulay at naggagandahang mga papagayo at saranggola sa kalangitan ng Montemaria sa Pagkilatan, Batangas City sa isinagawang ika-apat at huling bahagi ng Batangas Kite Festival 2024 nitong Linggo, ika-24 ng Marso 2024.

Ang naturang kite competition ay inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), sa pakikipagtulungan at pakikiisa ng Papagayong Batangueño Group.

Nagsilbing hurado sina Ms. Ada Panopio, Gawad ng Kumintang sa Visual Arts Awardee at miyembro ng Arte Bauan; Mr. Lino Acasio, Dangal ng Batangan Awardee, Batangas Culture and Arts Council-Visual Arts Sector Head; at si Mr. Arjay Monson, miyembro ng Kite Makers of the Philippines at gumagawa rin ng iba’t ibang uri ng tradisyunal, Vietnamese at Japanese kites.

Umabot sa 64 ang mga naging kalahok sa kategorya ng kitayan, 25 sa tradisyunal, at 15 naman sa Open 3D na nagmula hindi lamang sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Batangas, ngunit maging sa mga lalawigan ng Cavite at Laguna.

Sa kategoryang Pagandahan (Tradisyunal), nagwagi si Teofilo Daniel Pasco, na sinundan nina Kobe Caballes at Daniel Hobayan.

Sa Pagandahan (OPEN 3D), nanguna ang saranggola ni John Louise Basit, habang pumangalawa naman si Jan Alfred Musni at pumangatlo si Joel Jeremillo.

Habang sa Kitayan (Patayugan), pinakamataas ang naabot ng papagayo ni Pablito Alvarez, habang nag-2nd Place si Jemat Espiritu at 3rd Place si Ariel Virtus.

Samantala, nagkaroon din ng mga special awards gaya ng Governor’s Choice Award at 365 Wonders Choice Award na parehong nasungkit ng saranggolang si “Gragon” na nagmula pa sa Naic, Cavite. Pinarangalan naman si Mr. Meissner G. Dimaano, 80-taong gulang na tubong Batangas City, bilang Oldest Kite Flyer sa nasabing paligsahan.

Ang mga kalahok na nagwagi ay nag-uwi ng ribbon, sertipiko at cash prize na nagkakahalaga ng Php1,000 hanggang Php10,000.

Source: Batangas PIO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *