Sumailalim sa dalawang araw na Thermal Decomposition Operator’s Training ang ilang medical staff ng Southern Palawan Provincial Hospital (SPPH) sa Bayan ng Brooke’s Point, Palawan na nagsimula nitong Pebrero 26 na hanggang Pebrero 27, 2024.
Ang nasabing aktibidad ay pinangangasiwaan ng The Clean O2 Eco-Friendly Corporation. Ang pagbili ng Thermal Decomposition Machine ay inisyatibo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Hospital Development Management Program (HDMP) sa pangunguna ni Dr. Mary Ann Navarro bilang karagdagang kagamitan para mas maisaayos ang waste management at hospital disposal sa naturang ospital.
Ang SPPH ay isa sa labing-anim na ospital na pinangangasiwaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan. Layunin ng nasabing pagsasanay na magkaroon ng sapat na kaalaman at matuto ng tamang proseso ng pagpapangasiwa sa mga nabubuong basura o residues upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga residente sa nasabing lugar at higit sa lahat ang pangangalaga sa ating kalikasan.
Source: PIO Palawan