Suot ang magagandang Filipino traditional costumes, masiglang ipinagmalaki ng Palawan National School Performing Group ang kanilang galing sa pagsayaw, pagtugtog ng instrumento, at pag-awit sa ginanap na Concert at The Park sa Don Pedro Vicente Park, VJR Hall, Palawan Provincial Capitol, Puerto Princesa, Palawan nito lamang Pebrero 24, 2024.
Ang Concert at the Park ay handog sa mga Palaweño ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamumuno ni Governor Victorino Dennis M. Socrates, katuwang ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at Cultural Center of the Philippines (CCP) na inorganisa naman ng Palawan Culture and Arts Development Program ng kapitolyo.
Naging makulay ang presentasyon na bahagi pa rin sa pagdiriwang ng Sikatugyaw Arts Festival sa Palawan kaugnay sa selebrasyon ng Philippine National Arts Month.
Ilan sa mga presentasyon na kanilang ipinakita ay ang pagtugtog ng Cuyonon Medley, Polka sa Nayon at Araw-Araw habang ang mga awitin gaya ng Cuyo Balitaw, I Will Sing Forever at Starting Over Again ay naghatid naman ng ngiti sa mga manonood.
Ibinida rin ng mga kabataan ang kanilang husay sa pag-indak sa mga katutubo at modernong sayaw na nagpamangha sa mga manonood.
Hinihikayat ang lahat na anumang talento ang taglay, ipagmalaki at ipakita ito para magsilbing inspirasyon sa mga ibang Kabataan na mag-aaral.
Source: PIO Palawan