Patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ang sining at kultura sa probinsya ng Palawan kaya naisakatuparan ang “Art Arampangan: Art Talks for Local Artists and Art Community of Palawan” kaugnay sa pagdiriwang ng Sikatugyaw Arts Festival ngayong National Arts Month na ginanap sa VJR Hall, Palawan Provincial Capitol, Puerto Princesa, nito lamang Pebrero 19, 2024.
Nagsilbing panauhing tagapanayam sina Palawan Art Luminary Ma. Teodora “Dinggot” Conde-Prieto at dinaluhan ng mga alagad ng sining partikular ng mga pintor, installation artists at iba pang visual artists sa lalawigan.
Naisakatuparan ito sa pangangasiwa ng Culture and Arts Development Program sa pangunguna ni Chief of Staff at Program Manager Magbanua.
Dito ay tinalakay kung ano ang kahalagahan ng mga visual artist sa komunidad, pagsasabuhay ng sining, mga tamang pamamaraan at hakbang sa pagbuo ng obra o artworks, pagpapabuti ng kakayahan, pagkatao at portfolio ng isang artist para sa pagpapakilala ng sarili at mga likha sa komunidad, gayundin ang mga kaugalian sa pagbebenta at pagkolekta ng artworks.
Sa pamamagitan ng gawaing ito, mas mapapalakas at mapagyayaman ang sining at kultura lalo na sa mga kabataang may angking galing at hilig sa sining.
Kaya halina’t sabay-sabay nating paunlarin at pagyamanin ang mga angking galing at talento ng bawat Pilipino sa usapin ng sining.
Source: PIA – Oriental Mindoro