TANZA, Cavite – Inaasahang madaragdagan ang kita ng mga mangingisda sa Bayan ng Tanza matapos silang pagkalooban ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga bangka, makina, at mga kagamitan sa pangingisda sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).

Noong Hunyo 11, tumanggap ng mga bangka, gasoline engine, at racer propeller ang mga miyembro ng Kalipunang Mangingisda ng Julugan III (KALMADA 3) at Samahan ng Mandaragat ng Julugan VI bilang bahagi ng livelihood assistance ng DOLE.

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni DOLE Cavite Provincial Director Marivic Martinez ang mga benepisyaryo na gamitin nang maayos ang natanggap na tulong upang mapalago pa ang kanilang hanapbuhay.

“Ating hangarin na magamit nang tama ang mga ipinagkaloob na kagamitan upang makatulong sa pagpapaunlad ng inyong pangingisda, mapalawak ang inyong kita, at matiyak ang mas matatag na kinabukasan para sa inyong mga pamilya,” ani Martinez.

Ayon pa kay Martinez, ang pamamahagi ng mga livelihood package ay isa pang hakbang ng pamahalaan upang mapabuti ang kalagayan ng mga lokal na mangingisda sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga oportunidad para sa mas matatag at napapanatiling kabuhayan.

Binigyang-diin din niya na ang ipinagkaloob na tulong ay hindi lamang tugon sa agarang pangangailangan ng mga benepisyaryo, kundi isa ring pamumuhunan tungo sa mas maunlad at matatag na kinabukasan ng kanilang mga pamilya at komunidad.

Source: PIA CALABARZON

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *