CALAPAN CITY, Oriental Mindoro — Mag-aalok ang Department of Labor and Employment (DOLE) MIMAROPA ng kabuuang 2,205 lokal na bakanteng trabaho sa Independence Day Job Fair ngayong Hunyo 12 sa Oriental Mindoro at Romblon.
Sa kabuuang bilang, 1,728 trabaho ang available sa Oriental Mindoro at 477 naman sa Romblon. Layunin ng aktibidad na mabigyan ng pagkakataon ang mga naghahanap ng trabaho na direktang makapanayam ng mga employer at magkaroon ng posibilidad na ma-hire on the spot.
Hinimok ni DOLE MIMAROPA Technical Support and Services Division Chief Loreta Duenas-Catapang ang mga aplikante na maghanda ng resume, application letter, at iba pang kinakailangang dokumento upang mapataas ang kanilang tsansang matanggap sa trabaho.
Bukod sa job vacancies, magkakaroon din ng One-Stop Shop na magbibigay ng mga serbisyong kailangan ng mga aplikante, kabilang ang tulong para sa mga first-time job seekers at assessment ng kanilang kakayahan para sa posibleng skills training at upskilling.
Source: PIA MIMAROPA