CALAPAN CITY, Oriental Mindoro — Patuloy na pinalalawak ng Department of Health (DOH), katuwang ang mga lokal na pamahalaan, ang access sa dekalidad at makabagong serbisyong pangkalusugan sa Oriental Mindoro.
Ayon kay Provincial DOH Office head Dr. Ramon C. Bombais, mahalagang mapalapit ang serbisyong medikal lalo na sa mga komunidad sa malalayong at isla-islang barangay. Kabilang sa mga hakbang ang pagpapalakas ng mga ospital, pagtatayo ng karagdagang health centers, at pagpapatupad ng digital healthcare programs.
Binigyang-diin naman ni DOH MIMAROPA Regional Director Rodolfo Antonio M. Albornoz na nakahanay ang mga proyektong ito sa Universal Health Care program ng pamahalaan upang matiyak na abot-kaya at accessible ang serbisyong medikal para sa lahat.
Kamakailan, namahagi rin ang DICT ng tablets sa 65 barangay sa lalawigan upang suportahan ang teleconsultation services para sa mga residente sa geographically isolated at disadvantaged areas (GIDAs).
Samantala, inilunsad din ng Oriental Mindoro Provincial Hospital ang libreng chemotherapy medicines program para sa mga kwalipikadong cancer patients upang mabawasan ang gastusin sa pagpapagamot at mapalawak ang access sa life-saving treatment.
Source: PIA MIMAROPA