LEGAZPI CITY- Siniguro ng mga lokal na opisyal sa Sorsogon na nakahanda sila kung sakaling magkakaroon ng biglaang phreatic eruption sa bulkang Bulusan.

Ito ay kasunod ng ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na namo-monitor ang pagtaas ng seismic activity ng bulkan.

Ayon kan Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Engineer Raden Dimaano sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nakahanda rin ang mga response units sa anumang sitwasyon.

Kabilang sa mga binabantayan ang ilang mga barangay sa Irosin at Gubat na karaniwang naaapektuhan tuwing nagkakaroon ng ashfall, gayundin ang iba pang mga lokal na pamahalaan na nakapaligid sa bulkan.

Sinabi ng opisyal na ikinababahala ang posibleng epekto ng bulkan sa sektor ng agrikultura, daloy ng trapiko sa Maharlika highway at sa mga residente.

Samantala, sinabi ni Dimaano na ngayon pa lamang ay nagpaabot na ng facemask sa mga barangay sa lalawigan na karaniwang naaapektuhan ng ashfall upang agad na maipamahagi kung sakaling magkaroon ng aktibidad ang bulkan.

Source: Bombo Radyo Legazpi

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *