Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang P4.9 milyong halaga ng hinihinalang shabu at isang hindi lisensyadong baril sa isinagawang anti-drug operation sa Brgy. San Mariano, Roxas, Oriental Mindoro nitong Huwebes ng madaling araw.
Arestado ang isang 27-anyos na lalaki na itinuturing na High-Value Individual (HVI) sa kampanya kontra iligal na droga. Pinaghahanap naman ang kanyang babaeng kasamahan na umano’y kasama rin sa drug watchlist.
Nakumpiska sa operasyon ang ilang sachet at isang resealable plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 758.34 gramo, gayundin ang isang baril, magazine, at mga bala.
Ayon kay Oriental Mindoro Police Provincial Director Edison V. Revita, patuloy ang pinaigting na operasyon ng pulisya laban sa iligal na droga habang tinitiyak na lahat ng aksyon ay naaayon sa batas.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa PDEA MIMAROPA at iba pang yunit ng pulisya.
Source: PIA MIMAROPA