Matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro, sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), ang limang araw na Basic Life Support (BLS) at Standard First Aid (SFA) Training na nagtapos noong Biyernes sa Hillside Resort, Magsaysay, Occidental Mindoro. Bahagi ito ng patuloy na programa ng pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Gob. Eduardo B. Gadiano upang palakasin ang kahandaan at kakayahan ng mga kawani sa pagbibigay ng agarang tulong medikal at pangunahing lunas.

Dinaluhan ng tatlumpu’t siyam (39) na piling kawani mula sa iba’t ibang tanggapan at bayan ng lalawigan, kabilang ang PDRRMO, PSWDO sa pamamagitan ng PDAO, MDRRMO-Rizal, MDRRMO-Sablayan, at Municipal Social Welfare and Development Offices. Layunin ng pagsasanay na mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa wastong pagbibigay ng first aid at maging handa sa anumang uri ng sakuna o emerhensiya.

Pinangunahan ang aktibidad ni PGDH/PDRRMO Mr. Mario D. Mulingbayan, Jr., katuwang ang CHD-HEMS MIMAROPA sa pamamahala ni HEMS Unit Head/Regional DRRM-H Manager Mr. Ramonito Martin. Ang pagsasanay ay ginabayan ng mga bihasa at dedikadong tagapagsanay mula sa Provincial DRRM Office upang matiyak na makakuha ang mga kalahok ng praktikal na karanasan sa buhay-ligtas na pamamaraan at first aid.

Sa pamamagitan ng ganitong programa, patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro ang pagpapalakas ng kasanayan, kahandaan sa sakuna, at kaligtasan ng bawat Mindoreño. Inaasahang magkakaroon pa ng mga karagdagang pagsasanay at inisyatibo upang masiguro ang ligtas, handa, at matatag na komunidad sa buong Kanlurang Mindoro.

Source: PIA Occidental Mindoro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *