Patuloy ang pinaigting na koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang maagap na paghahatid ng ligtas at de-kalidad na suplay ng bigas tuwing may kalamidad at sakuna.

Naghatid ang National Food Authority (NFA) Batangas ng 36,940 sako ng bigas sa bodega ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) CALABARZON noong Pebrero 6. Bahagi ito ng kabuuang 58,806 sako na binili ng DSWD para sa kanilang relief at disaster response operations sa rehiyon.

Noong nakaraang Nobyembre, nakabili na ang DSWD ng 31,903 sako ng bigas, na inilaan at isinama sa paggawa ng Family Food Packs (FFP) — ang karaniwang food assistance na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa mga pamilyang naapektuhan ng sakuna at emerhensiya.

Sa isang pahayag, tiniyak ng NFA Batangas na ipagpapatuloy nito ang paghahatid ng natitirang suplay ng bigas na binili ng DSWD sa mga susunod na araw. Binigyang-diin ng ahensya na ang lahat ng bigas na ipinapamahagi ng kanilang tanggapan ay dumaraan sa masusing pagsusuri upang matiyak na ito ay masustansya, de-kalidad, at ligtas kainin.

Nanatiling nangunguna ang NFA sa pagtiyak ng sapat at maayos na suplay ng bigas para sa mga relief operations ng pamahalaan, bilang suporta sa mga komunidad na apektado ng kalamidad.

Ipinamamahagi ng DSWD ang Family Food Packs na naglalaman ng iba’t ibang pangunahing pagkain na sapat para sa isang pamilyang may limang miyembro sa loob ng hanggang dalawang araw.

Source: PB-PIA CALABARZON, NFA Batangas

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *