Bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya para sa inklusibong edukasyon, matagumpay na isinagawa ang Endorsement at Orientation para sa mga Government Internship Program (GIP) Interns at Para-Teachers na siyang magiging pangunahing tagapagturo ng pagbasa, pagsulat, at matematika sa mga katutubong pamayanan (IP communities) na isinagawa noong Setyembre 18, 2025.
Ang programang ito ay bahagi ng Zero Illiteracy and Innumeracy Program, na inilunsad sa pangunguna ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO) at Provincial Planning and Development Office (PPDO), katuwang ang mga lokal na tanggapan ng Public Employment Service Office (PESO). Layunin ng programang ito na tugunan ang mga hamon ng kawalan ng kaalaman sa pagbasa at matematika sa mga komunidad ng mga katutubo, sa pamamagitan ng direktang pagtuturo at pagbibigay ng akses sa batayang edukasyon.

Ang mga GIP Interns at Para-Teachers ay sumailalim sa isang oryentasyon na naglalayong ihanda sila sa kanilang mahalagang gampanin bilang mga guro sa mga liblib na pamayanan. Sila ang magiging tulay ng edukasyon sa mga lugar na matagal nang salat sa oportunidad na matuto, partikular sa mga kabataang katutubo.
Maliban sa paghatid ng kaalaman, nagbibigay rin ang programa ng makabuluhang oportunidad sa mga kabataang interns at para-teachers na makapaglingkod sa kanilang mga komunidad. Sa ganitong paraan, hindi lamang sila nagkakaroon ng karanasan, kundi nakakatulong din sila sa pagpapalakas ng lokal na edukasyon.
Ang Zero Illiteracy and Innumeracy Program ay isang makabuluhang hakbang tungo sa mas inklusibo, makatao, at progresibong lipunan—isang lipunang nagsusulong ng dekalidad na edukasyon para sa lahat, anuman ang katayuan, lahi, o lokasyon.
Sa pagtutulungan ng iba’t ibang tanggapan at sa pakikilahok ng mga kabataan, patuloy ang pag-asa na ang bawat Pilipino, lalo na ang mga katutubo, ay magkakaroon ng pantay na pagkakataong matuto at umasenso.
Source: Bongabong Peso