Ang Department of Social Welfare and Development Field Office V – Bicol Region ay nakiisa sa “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat Para sa Lahat” sa pamamagitan ng pagpapaabot ng tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad sa Barangay Masarawag sa Guinobatan, Albay nito lamang Setyembre 16, 2025.
Ang ahensya, sa pamamagitan ng Mobile Kitchen, ay nakapaghanda ng munting pakain sa mga bata at iba pang mga residente ng nasabing lugar.

Nagpaabot din ng Family Food Packs (FFPs) ang ahensya bilang karagdagang tulong sa mga nasalanta ng malakas na pagbaha sa lugar na dulot ng matinding pag-ulan at pagbagsak ng buhangin.
Sa pamamagitan din ng Project LAWA at BINHI, naibahagi din ng programa ang kanilang mga harvest sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga samot-saring mga prutas at gulay na inani ng mga benepisyaryo mula sa Barangay Pinagbobong, Tabaco City.
Naniniwala si Secretary Rex Gatchalian na ang DSWD ay isa sa mga tulay upang matulungan ng pamahalaan ang mga komunidad na maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay, lalo na ang mga lugar na madalas tamaan ng mga bagyo at kalamidad.
Ang DSWD Bicol, sa pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio, ay nakikiisa sa pagsasama-sama ng mga ahensya upang maihatid ang tulong at serbisyo na inihandog ng ating President Ferdinand R. Marcos Jr. sa ating mga mamamayan na naapektuhan ng anumang mga sakuna sa pamamagitan ng pagpa-abot ng Social Protection Programs na napapanahon at angkop sa kanilang pangangailangan.
Source: DSWD Field Office V