Inilunsad ngayong araw, Setyembre 13, 2025, ang programang TODA Benepisyo na naglalayong magbigay ng tulong at karagdagang benepisyo para sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) sa lungsod. Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na kampanya ng pamahalaang lungsod na suportahan ang sektor ng pampublikong transportasyon.
Pinangunahan nina Mayor Doy Leachon, Vice Mayor Bim Ignacio, at ang Sangguniang Panlungsod ang nasabing programa na dinaluhan ng daan-daang tricycle driver. Isa ito sa mga proyektong isinulong upang kilalanin ang mahalagang papel ng mga drayber sa araw-araw na mobilidad ng mga mamamayan.

Namahagi ang pamahalaang lungsod ng mga opisyal na uniporme at Discipline City stickers sa mga tricycle driver. Isinagawa rin ang briefing tungkol sa insurance, kung saan ipinaliwanag ang mga benepisyong matatanggap ng mga drayber sa oras ng aksidente o sakuna. Kasabay nito, sinimulan ang profiling para sa Orange Health Card Plus na naglalayong magbigay ng libreng serbisyong medikal.
Ayon kay Mayor Doy Leachon, ang TODA Benepisyo ay simbolo ng pagkilala at pagmamalasakit ng pamahalaang lungsod sa mga tricycle driver. Dagdag pa ni Vice Mayor Bim Ignacio, mahalaga na mabigyan sila ng suporta hindi lamang sa aspeto ng kabuhayan kundi pati sa kaligtasan, kalusugan, at dignidad bilang mga frontliner sa transportasyon.
Hinikayat ng lokal na pamahalaan ang lahat ng kasapi ng TODA na aktibong makibahagi sa mga programang tulad nito. Inaasahan din na madaragdagan pa ang mga benepisyong ibibigay sa kanila sa mga susunod na buwan bilang bahagi ng mas pinalawak na serbisyo para sa sektor ng transportasyon.
Source: SPIO – Calapan City