Bilang tampok na bahagi ng pagdiriwang ng Maliputo Festival 2025, masiglang isinagawa ang Maliputo Cooking Contest noong Agosto 10, 2025 na nagpakitang-gilas sa talento at pagkamalikhain ng mga Batangueño sa larangan ng pagluluto.
Layunin ng patimpalak na ito na ipromote ang maliputo—ang tanyag na isdang matatagpuan lamang sa lawa ng Taal—bilang pangunahing sangkap sa iba’t ibang putahe. Mula sa tradisyonal na “sinaing na maliputo” at “inihaw,” hanggang sa makabagong fusion recipes gaya ng pasta at gourmet-style presentations, ipinamalas ng mga kalahok ang kakaibang timpla at presentasyon ng kanilang mga lutuin.
Pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng San Nicolas, sa pangunguna ng Municipal Tourism Office ang aktibidad, katuwang ang mga lokal na negosyante at asosasyon ng mangingisda. Naging hurado sa patimpalak ang kilalang mga chef at culinary experts mula sa iba’t ibang bahagi ng Batangas.

Binigyang-parangal ang mga nagwagi sa pamamagitan ng tropeo, sertipiko, at premyong salapi bilang pagkilala sa kanilang husay at ambag sa promosyon ng lokal na pagkain at kultura.
Sa kabila ng kompetisyon, nananatiling pangunahing layunin ng Maliputo Cooking Contest ang pagbibigay-pugay sa yaman ng Taal Lake, pagpapalakas ng turismo, at pagpapanatili ng tradisyon ng San Nicolas.
Ang masarap na lasa ng maliputo, at ang kasaysayan sa likod nito, ay patuloy na nagbubuklod sa komunidad taon-taon.
Source: Batangas Tourism and Cultural Affairs FB Page