Bilang tugon sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat at ang kasunod na pagbaha sa ilang bahagi ng bayan, sinimulan na ng lokal na pamahalaan ng San Mateo, Rizal noong Hulyo 21, 2025 ang pamamahagi ng mga food packs sa mga evacuation centers sa ilalim ng pamumuno ni Acting Municipal Mayor Grace Diaz at ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Ang pamamahagi ay isinagawa upang masigurong may sapat na pagkain at tulong ang mga pamilyang lumikas mula sa kani-kanilang tahanan dahil sa hindi ligtas na kalagayan. Marami sa ating mga kababayan ang napilitang pansamantalang manirahan sa evacuation centers upang mapanatili ang kanilang kaligtasan.

Kaugnay nito, patuloy ang walang humpay na pagtugon ng mga rescue personnel, katuwang ang iba pang kawani ng pamahalaang bayan, sa pagsigurong ligtas ang mga apektado at nabibigyan sila ng agarang serbisyo at pangangailangan.
Nagpapatuloy rin ang monitoring ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng bawat residente. Bukas ang lokal na pamahalaan sa anumang tulong at donasyon mula sa mga pribadong sektor na nais tumulong sa mga nasalanta.
Ang pagkilos na ito ay patunay ng mabilis at epektibong pagtugon ng lokal na pamahalaan ng San Mateo sa panahon ng sakuna, na inuuna ang kapakanan at kaligtasan ng bawat mamamayan.
Source: San Mateo Rizal Public Information Office FB Page