Isang panibagong yugto ng pag-asa at oportunidad ang isinilang sa Barangay Trapiche matapos pormal na buksan ang Dream Trapiche SLP Store noong Hulyo 19, 2025, na layuning suportahan ang kabuhayan ng mga Tanaueña sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program.

Ang proyektong ito ay naging posible sa tulong at inisyatiba nina Congresswoman Ma. Theresa “Maitet” V. Collantes, Cong. Atty. King Collantes, Mayor Sonny Perez Collantes, at TCWCC President Atty. Cristine Collantes, na patuloy na nagsusulong ng mga programang makabuluhan para sa ikauunlad ng mamamayan.

Bilang isa sa mga napiling benepisyaryo ng SLP sa Ikatlong Distrito ng Batangas, ipinakita ng Dream Trapiche SLP na sa pagkakaisa, malasakit, at suporta ng pamahalaan posibleng umangat ang antas ng pamumuhay ng bawat pamilya. Ang proyekto ay katuwang din ang DSWD Region IV-A at ang Tanauan City Social Welfare and Development Office (CSWD) sa pangunguna ni Ms. Iea Joy Lira.
Hindi rin matatawaran ang aktibong partisipasyon ng Trapiche BWCC na pinamumunuan ni President Trudie Claude Tan, kasama ang Sangguniang Barangay ng Trapiche sa pamumuno ni Kapitan Darwin Tan, na naging tulay para maisakatuparan ang pangarap na ito para sa kanilang komunidad.

Ngayon, bukas na sa publiko ang Dream Trapiche SLP Store, na matatagpuan sa Brgy. Trapiche 2, Tanauan City. Nag-aalok ito ng iba’t ibang produkto at serbisyo gaya ng bigas, school supplies, at printing services — isang konkretong halimbawa ng kabuhayang binuo ng mamamayan para sa mamamayan.
Ang pagbubukas ng tindahan ay hindi lamang simpleng negosyo, kundi simbolo ng pagkakaisa, pagtutulungan, at paniniwala sa kakayahan ng bawat Tanaueña. Sa tulong ng mga pinuno ng lungsod at mga ahensya ng pamahalaan, muling pinatotohanan ng Tanauan na kapag may malasakit, may pag-asa.
Source: Tanauan CGTV FB Page