Patuloy ang mainit na pagtanggap ng Provincial Government Office San Jose Sub-Office sa mga aplikante at mga estudyanteng nais mag-renew ng kanilang PGO Scholarship ngayong umaga ng Hulyo 21, 2025 sa Barangay Magbay, San Jose, Occidental Mindoro.
Ngayong linggo, nakatuon ang Provincial Youth and Development Office (PYDO) sa pagtanggap ng mga aplikasyon mula sa mga kabataan ng bayan ng Rizal. Karamihan sa kanila ay inaasahang magmumula pa sa iba’t ibang paaralan tulad ng Occidental Mindoro State College (OMSC) at Philippine Central Island College (PCIC), kung saan hinihintay pa ang pagsusumite ng mga kaukulang dokumento gaya ng Certificate of Registration na kinakailangan upang maproseso ang kanilang aplikasyon.
Ayon sa PYDO, mahigpit nilang pinatutupad ang patakaran na tanggapin lamang ang mga aplikasyon na may kumpletong dokumento at requirements. Dahil dito, muling pinaalalahanan ang mga estudyanteng mag-aapply o magre-renew ng kanilang scholarship na tiyaking kumpleto na ang kanilang mga kinakailangang papeles bago tumungo sa PGO San Jose Sub-Office. Layunin nito na hindi masayang ang kanilang oras at pamasahe, at upang mas maging mabilis ang proseso ng aplikasyon.

Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 5,000 na ang kabuuang bilang ng mga PGO Scholars sa buong lalawigan. Ipinapakita nito ang patuloy na suporta ni Gobernador Eduardo B. Gadiano sa edukasyon, bilang isang mahalagang instrumento sa paghubog ng kinabukasan ng kabataan sa Occidental Mindoro. Sa pamamagitan ng programang ito, inaasahang mababawasan ang ilang gastusin ng mga magulang, partikular sa pagbili ng mga kagamitan at pangangailangan sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Ang Provincial Government Office Scholarship ay patunay ng malasakit ng Pamahalaang Panlalawigan sa kinabukasan ng bawat Mindoreño — isang hakbang patungo sa mas maliwanag na bukas para sa kabataan ng lalawigan.
Source: PGOM-SAMARICA