Isinagawa ngayong araw, Hulyo 8, 2025 ang pamamahagi ng 12,000 fingerlings sa anim na barangay ng Casiguran, Sorsogon at pagpapakawala nito sa kani-kanilang small-farm water reservoir.
Kabilang sa mga barangay na ito ang Lungib, Tigbao, Timbayog, San Juan, Escuala at Trece Martires. Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng DSWD Field Office V – Bicol katuwang ang Pamahalaang Lokal ng Casiguran.
Layunin ng proyektong ito na palakasin ang kabuhayan ng mga mangingisda at suportahan ang sapat na suplay ng pagkain sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagpaparami ng isda sa mga katubigan ng nasabing bayan.
Isa ang Casiguran sa mga lugar na madalas daanan ng bagyo at iba pang kalamidad kaya’t mahalaga ang hakbang na ito upang maisulong ang pangmatagalang seguridad sa pagkain at kabuhayan sa gitna ng hamon ng pabago-bagong klima.
Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na wakasan ang kagutuman sa bansa, patuloy ang misyon ng DSWD Field Office V Bicol na patatagin ang mga sustenableng solusyon para sa pag-unlad ng mga pamayanan.