MANILA, Philippines — Patay ang isang ama nang tagain ng bolo sa ulo ng sarili nitong anak habang nakaupo ang una sa labas ng kanilang bahay kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Bacoor City, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas “Rick”, 49-anyos, construction worker, residente ng Tabing Dagat Brgy. Poblacion ng nasabing lungsod.
Arestado naman ang suspek sa isinagawang follow-up operation ng pulisya na kinilala sa alyas “Jhon”, 27-anyos, helper, nakatira sa nasabi ring lugar.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, alas-3:30 ng hapon ay nagkaroon umano ng away sa pagitan ng biktima at ng kinakasama nito na nasaksihan ng suspek.
Upang makaiwas sa pagtatalo, lumabas ang biktima at umupo ito sa tapat ng kanilang bahay. Pero sa ‘di malamang dahilan, nilapitan siya ng anak (suspect) na armado ng bolo at walang sabi-sabing tinaga nito sa ulo ang kaniyang ama saka mabilis na tumakas.
Agad namang nadala sa pagamutan ang biktima subalit hindi rin naisalba pa.
Sa operation ng pulisya katuwang ang mga barangay officials, naaresto ang suspek dakong alas-3:30 ng hapon kahapon sa Brgy. Digman–Kaingin, Bacoor City Cavite.
Source: PhilStar