LEGAZPI CITY, Albay – Inendorso ng Development Administration Committee (DAC) sa Bicol ang ilang mahahalagang agenda sa Regional Development Council (RDC) sa ginanap nitong pulong noong Pebrero 26, bilang bahagi ng pagpapalakas ng pamamahala at pagpaplano sa rehiyon. Kabilang sa mga pangunahing tinalakay ang reconstitution ng Regional Land Use Committee (RLUC), ang regional counterpart ng National Land Use Committee sa ilalim ng Republic Act No. 12145 o ang Economy, Planning, and Development Act. Pamumunuan ang RLUC ng DEPDev V, kasama ang mga core member mula sa DAR, DENR, DHSUD, DPWH, DILG, at DA, na may kakayahang palawakin ang membership kung kinakailangan.

Inendorso rin ng komite ang rebisyon ng Bicol RDC Manual of Operations upang maiayon ang mga polisiya at proseso nito sa RA 12145, Executive Order No. 82, at sa mga implementing guidelines nito. Kabilang sa mga inaasahang pagbabago ang pag-standardize ng mga pamamaraan sa pagpili ng Private Sector Representatives (PSR), nominasyon ng RDC Chairperson, at pag-update ng komposisyon ng mga komite. Inaprubahan din ang pag-endorso ng mga proyekto ng BJMP para maisama sa Regional Development Investment Program (RDIP) at sa panukalang badyet ng mga kaukulang ahensya para sa FY 2027, gayundin ang 2025 Development Report at ang DAC CY 2025 Accomplishment Report.

Samantala, nagbigay ng ulat ang Anti-Red Tape Authority hinggil sa pagpapatupad ng Ease of Doing Business initiatives, kung saan iniulat na karamihan sa mga ahensya at state universities and colleges sa Bicol Region ay sumusunod sa mga itinakdang pamantayan. Inanunsyo rin ng DEPDev ang pagsisimula ng Trabaho Para sa Bayan Plan 2025–2034 Roadshow at Action Planning bilang bahagi ng mas pinaigting na pagsisikap na mapalakas ang mga estratehiya sa empleyo sa rehiyon. Ang pulong ng DAC ay pinangunahan ni Chairperson Aurora Reyes Chavez.

Source: PIA Bicol Region

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *